
Itinaas na sa Signal No. 2 ang 13 lugar sa Visayas at Mindanao dahil sa bahagyang pag-intensify ni Tropical Storm Basyang (international name: Bastan) habang papalapit sa silangang Mindanao, ayon sa weather bureau nitong Huwebes ng hapon.
Kasama sa mga lugar na nasa Signal No. 2 ang Siquijor, southern portion ng Negros Oriental at Negros Occidental, southern portion ng Cebu at Bohol, pati na rin ang Surigao del Norte kasama ang Siargao at Bucas Grande Islands, Surigao del Sur, northern portion ng Davao Oriental, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Misamis Oriental, northern Bukidnon, northeastern Lanao del Norte, northeastern Misamis Occidental, at Camiguin. Samantala, inihoist naman ang Signal No. 1 sa ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, kabilang ang southern Occidental at Oriental Mindoro, Palawan, Romblon, Bohol, Cebu, Leyte, Southern Leyte, Dinagat Islands, Davao Region, at ilang bahagi ng Mindanao.
Sa pinakahuling monitoring, ang bagyo ay nasa 150 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, na may hangin na umaabot sa 75 kph at bugso hanggang 90 kph, at gumagalaw pawest-northwest sa bilis na 25 kph.
Samantala, ang Northeast Monsoon ay magdadala rin ng malakas hanggang gale-force na hangin sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao bukas, Biyernes.
Inaasahang magla-landfall si Basyang sa Surigao del Sur Huwebes ng gabi o Biyernes ng madaling araw.
Pagkatapos tumawid sa Mindanao, lalabas ito sa Bohol Sea Biyernes ng umaga at maaaring dumaan malapit o tumama sa Siquijor at southern Negros Oriental Biyernes ng hapon o gabi.
Sabado ng gabi hanggang Linggo ng umaga, lalakbay ito sa hilagang bahagi ng Palawan at papasok sa Sulu Sea.
Mananatiling tropical storm si Basyang ngunit bahagyang hihina matapos tumama sa lupa, at inaasahang ma-downgrade sa tropical depression Sabado at maging low-pressure area Linggo ng hapon o gabi.










