Nahuli ang dalawang menor de edad na sangkot sa pagpapatay sa 19-anyos na estudyante sa pinaniniwalaang pagnanakaw sa Tagum City, Davao del Norte.

Nakilala ang dalawa sa tulong ng CCTV footage mula sa kapitbahay ng biktima.

Nakita sa video na makailang ulit na dumaan ang mga suspek sa bahay ng biktima isang araw bago ang insidente.

Nabatid na kauuwi ng biktima mula sa Manila kung saan siya nag-aaral.

Natagpuan ang biktima na patay na sa kanyang silid na may 38 na saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

-- ADVERTISEMENT --

Tinangay umano ng mga suspek ang maraming kagamitan ng biktima, kabilang ang laptop, cellphone, tablet, at relo.

Ayon sa pulisya, wala umanong napansin ang mga magulang ng biktima na katabi ang silid ng dalaga dahil wala silang narinig na ingay o kaguluhan.

Naniniwala ang mga imbestigador na nakapasok ang mga suspek sa bahay ng biktima sa pamamagitan ng pagbukas sa sliding window sa likod ng bahay.

Sa tulong ng mga testigo sa isinagawang hot pursuit operation, nahuli ang 17-anyos at 14-anyos na mga suspek sa isang boarding house.

Ang mga suspek ay kapwa residente ng Davao de Oro at ang isa sa kanila ay may record na nasangkot sa pagnanakaw.

Idinagdag ng pulisya na pinaghahanap pa ang iba pang suspek.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery with homicide.