Huli ang 14 na katao na nagsusugal sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon ng kapulisan ng Cagayan kahapon.
Labing-isang katao ang hinuli ng pinagsanib na puwersa ng 4th Mobile Force Platoon ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company katuwang ang Gonzaga Police Station na naglalaro ng “Bingo.”
Nakuha sa operasyon ang mahigit 900 na piraso ng Bingo cards at iba pang ginagamit sa nasabing sugal, at mahigit P900 na bet money.
Dinala ang mga naaresto sa Gonzaga Police Station para sa karampatang disposisyon.
Samantala, sa hiwalay na operasyon sa bayan ng Claveria, nahuli naman ang tatlong indibiduwal dahil sa paglalaro ng “Mahjong.”
Nasamsam naman mula sa ito ang isang set ng mahjong tiles, dalawang pirasong dice, at perang nagkakahalaga ng P1,305.00.
Dinala rin ang tatlo sa Claveria Police Station para sa paghahanda ng karagdagang mga dokumento na kinakailangan para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ang lahat ng nahuli ay mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang batas tungkol sa illegal gambling.