
NAGDEKLARA na ng state of calamity ang 14 na local government units (LGUs) sa Davao Occidental, Sarangani at South Cotabato matapos ang mapaminsalang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator Bernardo Alejandro IV, makatutulong ang deklarasyon upang mapabilis ang pagbili ng relief goods at pagpapatupad ng mga hakbang para sa pagtugon at maagang pagbangon ng mga apektadong komunidad.
Sinabi rin ni Alejandro na awtomatikong ipinatutupad ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity upang hindi tumaas ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 176,186 pamilya o mahigit 736,000 katao ang naapektuhan ng lindol. Naitala rin ang 65 nasawi at mahigit 57,000 bahay na napinsala, kabilang ang higit 10,000 na tuluyang nawasak.
Ayon sa OCD, isa sa pinakamalaking hamon ngayon ang agarang pagpapatayo ng mga nasirang tahanan at pagtukoy kung ligtas pang balikan ng mga residente ang kanilang mga lugar o kinakailangan silang ilipat sa mas ligtas na komunidad.









