
Umabot sa labing-apat ang naarestong indibidwal sa huling araw ng tatlong-araw na Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) ng PNP Cagayan, na isinagawa ngayong kahapon, March 22, bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na pagsusugal sa lalawigan.
Sa Enrile, pitong indibidwal ang nahuli habang naglalaro ng tong-its. Pinangunahan ang operasyon ng Enrile Police Station sa ilalim ng superbisyon ni PMAJ Harold P. Ocfemia, Chief of Police, katuwang ang mga intel operatives at ang 202nd Maneuver Company ng RMFB2. Ang pagdodokumento ng mga ebidensya ay isinagawa sa harap mismo ng mga suspek at sa presensya ng mga lokal na opisyal ng barangay upang matiyak ang maayos na proseso.
Samantala, sa Tuao, pitong indibidwal rin ang naaresto dahil sa paglalaro ng “pares-pares.” Ang Tuao Police Station, sa pamumuno ni PMAJ George V. Jacob, Chief of Police, kasama ang 202nd Maneuver Company ng RMFB2, ang nagpatupad ng operasyon. Tulad ng sa Enrile, isinagawa rin ang maingat na dokumentasyon ng mga ebidensya sa harap ng mga suspek at mga lokal na opisyal.
Ayon kay PCOL Mardito G. Angulua, Provincial Director, mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pagsusugal upang mapanatili ang kaayusan at protektahan ang mamamayan. “Patuloy kaming magsasagawa ng mga ganitong operasyon upang masiguro na ligtas ang ating mga komunidad at malayo sa anumang gawaing labag sa batas. Ang kampanyang ito ay patunay ng dedikasyon ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan,” ani PCOL Anguluan.










