
Inihain ang administrative complaint sa National Police Commission (Napolcom) laban sa 14 na pulis na miyembro ng antinarcotics team na nakabase sa region 4-A (Calabarzon) na unang nasibak sa puwesto matapos na akusahan sila ng rape at robbery.
Ang reklamo ay inihain ng umano’y biktima ng rape na kinilalang si “Nena,” ang kanyang pinsan na si “Stephen” at partner na si “Dona.”
Bukod sa kasong administratibo, nahaharap din ang 14 pulis ng reklamo ng robbery in band sa local prosecutor’s office.
Sinabi ni Napolcom Executive Officer Atty. Rafael Calinisan, ang team ay pinamunuan ng isang police lieutenant.
Ang iba pang inireklamo ay may ranggo na master sergeant, limang corporal at pitong patrolmen.
Ayon kay Calinisan kung may makita silang probable cause laban sa mga nasabing pulis sa preliminary investigation, magsasampa ang Inspection, Monitoring and Investigation Service ng mga kasong administratibo laban sa mga ito sa Legal Affairs Service para sa grave misconduct and conduct unbecoming of a police officer.
Sinabi ni Stephen na sinalakay ng police team ang kanilang bahay sa Bacoor City noong Sabado ng umaga.
Ayon sa kanya, ang mga nasabing pulis, na naka-sibilyan at may takip ang kanilang mga mukha, ay hindi nagpakilala o nagpakita ng search warrant.
Sinabi niya na hinahanap ng mga pulis ang boyfriend ni Nena, na sinabi ng PNP DEG ay isang “high-value drug target.”
Itinanggi ni Nena na sangkot ang kanyang boyfriend sa drug trade.
Sinabi niya na nahuli ang kanyang boyfriend noong 2019 dahil sa “cara y cruz’, subalit sinampahan ng kaso may kaugnayan sa iligal na droga.
Nang hindi makita ng mga pulis ang boyfriend ni Nena, sinabi ni Stephen, pilit nilang binuksan ang silid ng kanyang tiyuhin bago siya sinabihan na bumaba.
Ayon naman kay Dona, kinuha ng mga pulis ang kanilang cell phones.
Sinabi pa ni Nena na nasa loob siya ng kanyang silid ng pumasok ang mga nasabing pulis at naghahanap umano ng anomang iligal.
Ayon sa kanya, dahil wala silang nakuhang iligal na bagay, sinabihan ng team leader ang kanyang mga kasamahan na umalis sa silid, at dito umano isinagawa ang panghahalay sa kanya.
Sinabi ni Stephen na bago sila umalis, kinuha ang kanyang cell phone at ang kay Dona at P8,000 cash sa silid ng kanyang tiyuhin.
Ayon naman kay Nena, kinuha ng mga pulis ang sapatos ng kanyang boyfriend, money box, dalawang gintong singsing, dalawang helmet at kanilang motorsiklo.
Nahuli ang walo sa 14 na mga pulis, kabilang ang team leader noong Linggo sa PNP DEG SOU sa Calamba City.










