Patuloy na apektado ang mga Pilipino sa loob at labas ng bansa dahil sa umiigting na giyera sa pagitan ng alyansang US-Israel at Iran sa Gitnang Silangan.

Tinatayang nasa 2.1 hanggang 2.4 milyong Pilipino ang kasalukuyang naninirahan sa rehiyon, kabilang ang mga overseas Filipino workers (OFWs), na direktang nakakaranas ng panganib at kaguluhan dulot ng palitan ng missile attacks ng tatlong bansa.

Bukod sa banta sa kaligtasan ng mga kababayan sa abroad, nararamdaman din ang epekto ng digmaan sa Pilipinas. Tumaas ang presyo ng produktong petrolyo dahil sa pagkaapekto sa supply mula sa mga bansang sangkot sa hidwaan.

Sa ngayon, wala pang katiyakan kung kailan matatapos ang labanan, at patuloy ang pagmamatyag ng pamahalaan sa kalagayan ng mga Pilipino sa rehiyon.