TUGUEGARAO CITY- Nasa custody ng Municipal Social Welfare and Development Office ang isang 14 years old na lalaki na suspek sa pananaga-patay sa kanyang pinsan na lalaki na 5 years old sa San Luis, Tuao, Cagayan.
Sinabi ni PSMSGT. Maria Jesusa Abig ng PNP Tuao, batay sa kanilang imbestigasyon, iniwan ng mga magulang ang kanilang anak sa kanyang pinsan na binatilyo dahil sa magtatrabaho sila sa bukid.
Subalit nang umuwi ang ama ng biktima ng tanghali ay hinanap niya kasama ang kapitbahay ang anak at ang suspek nang hindi nila madatnan ang mga ito sa bahay.
Sa kanilang paghahanap, sinalubong ng suspek ang kanyang tiyuhin at sinabing patay na ang bata at itinuro ang kinaroroonan nito sa ilalim ng puno ng ipil-ipil sa isang maisan sa Brngy. Malummin na kalapit barangay ng San Luis.
Nang tignan ang bata ay may tatlong taga siya sa ulo at sa katawan.
Sinabi ni Abig na sa pagtatanong sa suspek ay itinatanggi niya na siya ang pumatay sa bata.
Ayon pa kay Abig, paiba-iba ang sinasabi ng binatilyo sa nangyari sa bata.
Dahil dito, kinuha ng SOCO ang damit na suot ng suspek nang mangyari ang insidente upang suriin kung ang bakas ng dugo dito ay mula sa biktima.
Ayon pa kay Abig, na may problema umano sa pag-iisip ang bata kaya hindi na siya nag-aaral.
Nabatid na ang mga magulang ng biktima ay taga- Solana, Cagayan at pumupunta sa San Luis, Tuao tuwing anihan para magtrabaho sa bukid.