Tampok sa kapistahan sa bayan ng Buguey, Cagayan ang mahigit 100 litsong baboy na pinagsaluhan ng mga nakilahok sa kanilang kauna-unahang “Agri festival”.
Hinilera sa palengke sa Brgy Pattao nitong Martes ang nasa kabuuang 148 na baboy at pinaikot sa nagbabagang uling bago nilantakan ng daan-daang bisita.
Ito ay nagkakahalaga ng P10-K hanggang P15-K bawat isa na galing sa LGU, ibat-ibang barangay, at ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Mayor Licerio Antiporda III, ang isinagawang “lechon and pinakbet” festival ay bilang pasasalamat sa mayamang ani ng mga magsasaka at upang mahikayat pa ang mga ito na maitaas ang kanilang produksyon para matiyak ang food security.
Bahagi rin ng aktibidad na maisulong ang food tourism sa Buguey kung saan nauna nang inilunsad ang “malaga at crab” festival nitong nakalipas na taon na layong makahikayat ng mga turista na maaaring makapagbukas ng oportunidad sa mga residente gaya ng trabaho at dagdag na pagkakakitaan.
Dagdag pa ni Antiporda na nais nilang ipakilala ito hindi lamang sa lokal na turismo kundi sa buong mundo sa pamamagitan ng Guinness World Book of Record.
Kasabay nito, hinikayat ng alkalde ang mga residente na mag-alaga ng kahit dalawang baboy sa kanilang bakuran bastat naaayon ito sa panuntunan na hindi makaperwisyo sa kalusugan ng mamamayan.
Kasama rin sa aktibidad ang pagsali sa mga kabataan may kaugnayan sa agrikultura na inaasahang makakatulong sa lokal na pamahalaan na mapalakas ang naturang sektor.
Sa katunayan ay nakikipaguganayan na ang LGU sa Cagayan State University para sa hangaring makapaglagay ng extension ng unibersidad sa naturang bayan upang makapag-enrol ang mga kabataan may kaugnayan sa pagsasaka at pangingisda.
Binigyan diin ng alkalde na bukod sa pangingisda, malawak din ang lupain sa Buguey na maaaring tamnan ng palay, high value crops at mga prutas na isa rin sa mga itinampok sa katatapos na aktibidad.