Naaagnas na nang madiskubre ang bangkay ng isang 55-anyos na ginang sa kanyang bahay sa Misamis Occidental.
Namatay umano ang biktima matapos na mauntog ang ulo sa sahig matapos siyang suntukin ng kanyang 15-anyos na anak na lalaki.
Ayon sa pulisya, nadiskubre ng mga kapitbahay ang bangkay ng biktima dahil sa masangsang na amoy mula sa bahay nito sa Barangay Northern Poblacion sa bayan ng Plaridel.
Sinabi ng pulisya, sumuko ang 15-anyos na anak ng biktima isang araw matapos madiskubre ang bangkay ng kaniyang ina na may nakatakip pa sa mukha.
Batay umano sa salaysay ng binatilyo, nagtalo sila ng kaniyang ina noong August 15 nang humingi siya ng pagkain sa kaniyang ina pero tumanggi ang ginang.
Nasuntok umano niya ang kaniyang ina at natumba kaya tumama ang ulo sa sahig.
Pero sa halip na humingi ng tulong, dinala niya ang walang malay na ina sa kuwarto, binalutan ang mukha nito, nilinis ang dugo sa sahig, at saka umalis ng bahay.
Ayon sa pulisya, sasampahan nila ng kasong parricide ang binatilyo pero ang korte ang magpapasya rito dahil sa menor de edad ang suspek.