Isinailalim sa restricted duty ang 15 pulis na sangkot umano sa missing sabungeros.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang pagkakasangkot ng mga nasabing pulis sa nasabing kaso ay sila ang nagsagawa ng mga inuutos sa kanila.

Ayon sa kanya, kailangan na mag-report ang mga nasabing pulis sa kani-kanilang tanggapan, upang maiwasan na sila ay makasakit pa.

Samantala, nakipagkita ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero at iba pang oposyal ng Department of Justice ngayong araw na ito.

Ang pagbisita ay kasunod ng sinabi ni Remulla na ikinokonsidera nang suspects sina businessman Atong Ang at actress Gretchen Barretto, matapos na isangkot sila ng isa sa mga akusado sa kidnapping sa mga nasabing sabungero.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, sinabi ni Remulla na hindi sila tumitigil sa pagresolba sa nasabing kaso.

Matatandaan na isinangkot ng akusado na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy si Ang na siya umano ang mastermind sa kaso, habang alam umano ni Barretto ang mga nangyari sa mga nasabing sabungero.

Sinabi ni Patidongan na siya ang dating security chief ng farms at cockpit arena ni Ang.

Mariin namang itinanggi ni Ang ang pagkakasangkot sa nasabing kaso, kung saan nagsampa siya kaso laban kay Patidongan at isa pa niyang dating empleyado.