Nasabat ng mga otoridad ang sako-sakong uling na isinakay sa isang elf truck matapos maharang sa nakalatag na Comelec checkpoint sa bayan ng Enrile, Cagayan.
Hinuli ang apat na kalalakihan na sakay ng nasabing elf truck na kinilalang sina Alyas Robin, 31-anyos, driver, Alyas Domeng, 68-anyos, Alyas Dencio, 37-anyos, Alyas Protacio, 39 anyos, kapwa mga helper at mga residente sa Cordon, Isabela.
Ayon sa pulisya, naharang ng mga otoridad ang sinasakyang elf truck ng mga suspek na kargado ng aabot sa 150 sako ng uling.
Kinumpiska ang mga uling at hinuli ang mga suspek matapos na wala silang maipakita na mga dokumento na magpapatunay na may pahintulot sila sa pagluluwas ng mga ito.
Nabatid din sa pagsusuri na ang mga naharang na uling ay nagkakahalaga ng aabot sa P45,000.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang apat na kalalakihan para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.