Pinagtataga hanggang sa mamamatay ang isang binatilyo sa Barangay Agamman, Proper, Baggao, Cagayan dahil sa matagal na umanong alitan tungkol sa pagnanakaw ng puso ng saging.
Ayon sa Baggao Municipal Police Station, ang suspek ay isang 35-anyos na lalaki na kapwa residente sa Barangay Alba.
Sa imbestigasyon, nag-ugat umano ang pananaga ng suspek sa 16-anyos na biktima dahil sa matagal na nilang alitan sa hinala ng suspek na pagnanakaw ng biktima sa puso ng saging na pagmamay-ari ng suspek na nagbunsod para saktan nito ang biktima.
Kinasuhan umano ng mga magulang ng biktima ang suspek ng physical injury, na dinamdam naman ng suspek dahil sa siya na nga ninakawan, siya pa ang kinasuhan.
Nangyari ang pananaga nang magkasalubong ang dalawa sa Agamman Proper, kung saan sakay ang biktima ng motorsiklo habang kolong-kolong naman ang suspek.
Dahil umano sa kinikimkim na galit ng suspek, hinabol niya ng tabas ang biktima.
Agad naman na ipinagbigay-alam ito ng mga bystanders sa lugar na agad din na rumesponde ang mga pulis.
Nadatnan ng mga pulis ang biktima na duguan at tadtad ng taga sa kanyang katawan.
Dinala sa pagamutan ang biktima, subalit hindi na siya umabot ng buhay.
Ayon sa pulisya, boluntaryo namang sumuko ang suspek at inamin ang krimen.
Nahaharap ang suspek sa kasong murder.