
Magbabalik ang OPM band na Lola Amour sa music scene sa pamamagitan ng kanilang bagong single na “Lambing” na ilalabas sa Abril 8.
Ibinahagi ng banda na ang kanta ay tumatalakay sa pagiging mapagbigay ng lambing, lalo na sa mga pagkakataong hindi ito angkop.
Sa inilabas na teaser video, ipinakita ang tema ng awitin na may mensaheng umiikot sa pagiging sobra sa pagpapakita ng lambing.
Mananatili sa bagong kanta ang kilalang estilo ng grupo na may halong funky sound, gamit ang matinding tunog ng trumpets at percussion, kasama ang matibay na vocals ni Pio Dumayas.
Matatandaang inilabas ng banda ang kanilang ikalawang album na Love on Loop noong Agosto 2025, na tumalakay sa iba’t ibang yugto ng pag-ibig mula sa simula hanggang sa kabiguan at muling pagbabalik nito.
Ayon sa grupo, layunin nilang panatilihing simple ang direksyon ng kanilang musika at hindi magpadala sa pressure sa paglikha ng kanilang mga kanta.
Kilala ang Lola Amour sa mga hit songs tulad ng Raining in Manila, Fallen, Maybe Maybe, Umiinit, at Namimiss Ko Na.









