Nakahanda na ang 16 na kandidato na makikilahok sa gaganaping kauna-unahang MR.TODA bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pavvurulun Afi Festival dito sa lungsod ng Tuguegarao na sisimulan ngayong araw.
Ayon kay Ma.Carolia Valmonte information officer ng Tricyle Regulatory Unit (TRU), Ang nasabing aktibidad ay konsepto ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que na nakuha sa Miss Juana ng Palengke 2024 kung saan tampok noon ang pagsali ng mga market vendors sa pageant.
Ang mananalo at tatanghaling Mr.TODA ay makakatanggap ng P25,000 cash habang P20,000 naman sa first runner up, P15,000 sa 2nd runner up, P10,000 para sa 3rd runner up at P8,000 naman sa 4th runner up.
Bukod dito ay may mga special awards din tulad ng best in talent na gaganapin sa August 6, social media award, most photogenic at iba pa na mayroong tig P5,000 na premyo.
Makakatanggap rin aniya ng consolation prize na tig P3,000 ang mga hindi makakapasok sa top 5.
Gaganapin ang nasabing pageant sa August 11, 2024 alas tres ng hapon sa isang sikat na mall sa Tuguegarao.
Samantala, magpapakita rin ng talento sa pagdidisenyo ang mga 37 TODA members para sa gaganaping tricy and kalesa design.