Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Linggo, Mayo 18, na inaprubahan na ang kabuuang 16,000 bagong posisyon para sa mga guro na ilalaan sa taong 2025.
Ayon sa DBM, ang 16,000 na posisyong ito ay bahagi ng 20,000 target na teaching positions na nilalayong malikha para sa susunod na taon.
Ayon kay Secretary Amenah Pangandaman, ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na palakasin ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Suporta rin aniya ito sa mga hakbang ng Department of Education (DepEd) upang palakasin ang bilang ng mga guro sa Kindergarten, Elementarya, Junior High School, Senior High School, at sa Alternative Learning System.
Mula sa naturang bilang, 15,343 na Teacher I positions ang nalikha na may Salary Grade 11.
Samantala, may 157 na bagong Special Science Teacher positions na may Salary Grade 13, at 500 naman na posisyon para sa Special Education teachers na may Salary Grade 14.
Dagdag pa ng DBM, ang mga teaching position para sa Senior High School ay maaaring malikha sa antas ng division, kaya’t may kapangyarihan ang mga School Division Superintendent na ilipat o i-reassign ang mga ito kung saan mas kinakailangan.
May kabuuang P4.194 bilyon ang inilaan para sa paglikha ng mga nasabing teaching positions, na nakapaloob sa budget ng DepEd para sa 2025.
Dahil sa umiiral na election ban, ang paglalabas ng mga Notice of Organization, Staffing, and Compensation Action (NOSCA) ay gagawin pagkatapos ng election period.