
Nasawi dahil sa leptospirosis ang isang 17-anyos na estudyante, apat na araw bago ang kaniyang kaarawan, matapos malantad sa maruming tubig-baha sa Navotas City.
Ayon sa ulat, una umanong nakagat ng daga si Justin Espinosa. Makalipas ang dalawang linggo, lumusong at naligo rin siya kasama ang mga kaibigan sa baha. Kinabukasan ay nakaramdam siya ng panghihina at dinala ng kaniyang pamilya sa ospital, kung saan agad na pinaghinalaang leptospirosis ang kaniyang kondisyon.
Sinabi ng kaniyang mga magulang na hindi nila inakala na mabilis na lalala ang kaniyang sakit. Dalawang araw lamang matapos siyang dalhin sa ospital ay pumanaw na si Justin.
Samantala, patuloy ang pagdami ng mga pasyenteng nagpapagamot para sa leptospirosis sa San Lazaro Hospital. Kabilang dito ang isang limang taong gulang na nilagnat kahit hindi umano lumusong sa baha, isang delivery rider na ilang araw na lumulusong sa baha habang nagtatrabaho, at isang 11-anyos na nakaramdam ng pananakit ng katawan matapos yayain ng mga kaibigan na maglaro sa baha.
Sa isang araw lamang, 26 na pasyente ang na-admit sa San Lazaro Hospital dahil sa leptospirosis, habang umabot na sa 96 ang kabuuang kaso na naitala ng ospital mula Enero. May isang pasyente ring nasawi noong gabi bago nito.
Ayon sa medical chief ng ospital na si Dr. David Suplico, maaaring lumabas ang sintomas ng leptospirosis mula dalawang araw hanggang 30 araw matapos mahawa, ngunit karaniwang nakikita ang pagdagsa ng mga pasyente makalipas ang dalawang linggo.
Maaari ring maging mapanganib ang sakit kapag umabot na sa kidneys ang bacteria, na maaaring magdulot ng hirap sa pag-ihi at malubhang sintomas sa paghinga na maaaring mangailangan ng intubation.










