Arestado ang isang 17-anyos na lalaki matapos tangkain na nakawan ang isang nakaparadang utility van sa Barangay Greater Fairview, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, binuksan ng binatilyo ang bintana ng sasakyan at pilit na pumasok, na nagresulta sa pagkasira ng lock. Nag-alarm ang sasakyan kaya agad lumabas ang may-ari at hinabol ang suspek, na kalauna’y naabutan sa tulong ng mga tricycle driver at dalawang bagong graduate ng PNPA.

Ayon kay Querogean Tajanlangit, Police Lieutenant, tinangka pa umanong tumakas ng suspek ngunit agad itong napigilan at naaresto.

Sinabi naman ni Albert Jefferson Relente, Lieutenant Colonel at Commander ng QCPD Station 5, na umamin ang binatilyo at sinabi nitong wala siyang balak nakawin ang sasakyan kundi mga gamit lamang sa loob, kung saan P55 lang ang kanyang nakuha.

Napag-alaman din na dati na itong nasangkot sa pagnanakaw at umano’y naudyok dahil sa pangangailangan at bisyo sa pagsusugal.

-- ADVERTISEMENT --

Mahaharap ang menor de edad sa mga kasong theft at malicious mischief, habang sasailalim sa kaukulang proseso bilang child in conflict with the law.