Pinalaya ng Qatar ang 17 overseas Filipino workers na inaresto matapos na makiisa sa hindi otorisadong rally bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro, batay sa pahayag ni Qatari Ambassador to the Philippines, Ahmed Saad Nasser Abdullah Al-Homidi, pinalaya na ang mga nasabing Pinoy at ibinasura na rin ang kanilang mga kaso.

Ayon kay Castro, isa itong magandang balita at patunay sa matatag na relasyon sa pagitan ng bansa at Qatar.

Matatandaan na hinuli ang mga nasabing Pinoy matapos ang isinagawa nilang rally noong March 28, kasabay ng ika-80 kaarawan ni Duterte.

Si Duterte ay nakakulong sa detention facility ng International Criminal Court dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay sa madugong war on drugs noong panahon ng kanyang administrasyon.

-- ADVERTISEMENT --