
Mahigit 800 katao ang nawalan ng kanilang tirahan sa mataong lugar sa Barangay Paknaan, Mandaue City dahil sa malaking apoy kahapon.
Tumagal ang nasabing sunog ng halos tatlong oras bago naapula ng mga bombero.
Dahil sa siksikan ang mga istraktura sa lugar, at karamihan ay gawa sa light materials, itinaas ang ang 2nd alarm.
Matapos ang 10 minuto, itinaas ang 3rd alarm matapos na mabilis na kumalat ang apoy sa magkakalapit na mga bahay.
Nahirapan din ang mga bombero na makapasok sa lugar dahil sa masikip na mga daanan na papunta sa fire site.
Dahil sa patuloy na paglaki ng apoy, itinaas ang 4th alarm, na ibig sabihin napakalaking sunog ang kailangan na apulain at gumamit ang mga bombero ng 21 firetrucks.
Inabot ng dalawang oras bago naapula ng mga bombero ang sunog, at idineklara ang fire out matapos ang mahigit isang oras.
Bagamat iniulat ng mga bombero na walang casualties sa nasabing sakuna, isang motorcycle rider ang namatay matapos na sumalpok ang kanyang motorsiklo sa isang rumespondeng firetruck sa kalsada.
Batay sa pinakahuling report mula sa Barangay Paknaan, 177 na mga bahay ang tinupok ng apoy, at isa ang partially damaged.
Kabuuang 244 families na binubuo ng 805 individuals ang nawalan ng tirahan.
Samantala, inaalam pa ang halaga ng mga tinupok ng apoy, at inaalam na rin ng fire investigators ang sanhi ng sunog.