TUGUEGARAO CITY-Nakakaranas ng kawalan ng supply ng kuryente ang hilagang bahagi ng Cagayan matapos mag-landfall ang bagyong Ramon sa Sta Ana, Cagayan kaninang madaling araw.
Ayon kay Bryan De vera ng Office of the Civil Defense (OCD)-Region 2, walang kuryente ang mga bayan ng Santa Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Calayan, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, Allacapan, Lal-lo, Amulung, Baggao, Alcala at Tuguegarao City.
Sinabi naman ng Cagayan Electric Cooperative o CAGELCO na ang sanhi ng power interruption ay dahil sa may mga lina ng National Grid Corporation na na nag-trip-off at kailangan na patayin ang supply ng kuryente.
Samantala, sinabi naman ng PDRRMO Cagayan na walang naidagdag sa 1,880 families o 6,021 individuals na evacuees matapos na mag-landfall ang bagyo.
Nananatili namang suspendido ang klase sa lahat ng antas sa Cagayan dahil sa storm signal at nararanasang malalakas na ulan at pabugso-bugsong malakas na hangin.
Nakaalerto pa rin ang mga kinauukulan kaugnay sa inaasahang pag-landfall ng isa pang bagyo na si “Sarah” sa Cagayan na patuloy na nagpapaulan sa malaking bahagi ng lalawigan.