Itinaas na ng PAGASA ang Signal No. 1 sa labing-walong lugar sa Luzon habang patuloy na lumalakas si Bagyong Nando sa Philippine Sea.
Batay sa 11 p.m. tropical cyclone bulletin, ang mga lugar na makararanas ng hanging may lakas na 39 hanggang 61 kilometro kada oras sa loob ng susunod na 36 oras ay ang Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, silangang bahagi ng Pangasinan, hilagang bahagi ng Nueva Ecija, gayundin ang hilaga at gitnang bahagi ng Aurora at Catanduanes.
Dakong alas-10 ng gabi, namataan ang bagyo sa layong 710 kilometro silangan ng Isabela o 695 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 155 kilometro kada oras at bugso na hanggang 190 kilometro kada oras habang kumikilos pa-northwest sa bilis na 15 kilometro kada oras.