Malinaw para kay House Deputy Minority Leader Antonio Tinio na ginagamit lang ng mga senador bilang kasangkapan ang binansagang “18 Maleta Boys” para isulong ang kani-kanyang interes.

Sa pulong balitaan, iginiit ni Tinio na mistulang naging sandata ang labingwalong indibidwal para protektahan ang mga kakampi at siraan ang mga kaaway.

Ganito aniya ang nangyayari sa dalawang paksyon sa Senado kung saan nagkaroon umano ng dagdag-bawas sa testimonya ng “18 Maleta Boys”.

Punto ng kongresista, lumalabas na kapag kakampi ay tatanggalin sa listahan ng mga nakatanggap umano ng maletang puno ng pera ngunit kapag kalaban ay babanggitin na.

Isa na umano sa biktima ang mga dating miyembro ng Makabayan Bloc na kahit walang katotohanan ay idiniin na nakatanggap ng maleta kabilang na sina dating Kabataan Representative Raoul Manuel at dating ACT Teachers Representative France Castro.

-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala rin si Tinio na hindi naman talaga interesado ang mga senador na magkasa ng comprehensive investigation sa isyu ng flood control dahil sinisiraan lamang ang isa’t isa.

Dagdag ng mambabatas, hindi nagawang tumbukin sa pagdinig ang nilalaman ng testimonya ni dating Congressman Zaldy Co na isinasangkot si Pangulong Bongbong Marcos at ang “18 Maleta Boys” ay ginagamit para ipagtanggol si Vice President Sara Duterte para sirain ang impeachment process.