
Aabot sa 182 lugar sa hilagang Luzon, kabilang ang CALABARZON at MIMAROPA, ang nakaranas ng pagbaha dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat, ayon sa Office of Civil Defense o OCD.
Ayon kay OCD Deputy Administrator for Administration Bernardo Rafaelito Alejandro IV, nasa 110,000 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha, habang mahigit 7,300 indibidwal ang nasa 86 evacuation centers.
Anim na katao naman ang nasawi at pito ang nasugatan dahil sa sama ng panahon, habang wala pang naitatalang nawawala.
Karamihan sa mga naiulat na pagguho ng lupa ay nasa Region 1 at Cordillera Administrative Region, kabilang ang mga rockslide sa Benguet at Baguio City.
Samantala, 569 lokal na pamahalaan ang nagpatupad ng suspensyon ng klase dahil sa masamang panahon.
Inaasahan namang magpapatuloy ang pag-ulan sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa Habagat.










