Nasawi ang isang 19-anyos na dalaga habang sugatan naman ang kanyang mga magulang matapos atakehin ng daan-daang bubuyog habang naglilinis sa kanilang bukid sa Brgy. Fatima, New Bataan, Davao de Oro .
Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Davao de Oro, hindi na nakaabot ng buhay sa ospital si Monica matapos siyang himatayin sa dami ng kagat ng bubuyog.
Sugatan naman ang kanyang mga magulang na agad dinala rin sa ospital upang malapatan ng lunas.
Sa salaysay ng ama ng biktima, abala sila sa paglilinis ng bukid nang biglang umatake ang mga bubuyog na naistorbo umano sa kanilang pugad.
Akala niya noong una ay siya lamang ang inatake, pero pati na rin ang kanyang asawa at anak ay pinupog ng mga insekto.
Dahil malayo ang kanilang tirahan sa Barangay Center, inabot pa ng ilang oras bago naihatid sa pagamutan ang mga biktima.
Sa kasamaang-palad, idineklarang dead-on-arrival si Monica pagdating sa ospital.