Nagpapasalamat si Senate Foreign Relations Chairman Sen. Erwin Tulfo kay Korean Ambassador Lee Sang Hwa sa agarang aksyon nito hinggil sa napabalitang pagbabawal ng ilang Korean KTV at restawran sa mga Pilipino customers sa Angeles City at sa Clark, Pampanga.

Ilang araw lang ang lumipas at nagpadala ng report si Ambassador Lee kay Sen. Tulfo kalakip ang mga hakbang ng Central Luzon Korean Association para hindi na maulit ang nasabing insidente ng diskriminasyon.

Ayon kay Sen. Tulfo, ilan sa mga hakbang na ito ay ang pagpaskil sa pinto ng mga inirereklamong ktv at restawran ng APOLOGY sa pangyayari at PROMISE na hindi na ito magtataboy ng mga kustomer lalo na kapag Pilipino.

Aniya nangako rin daw ang Korean Community Association na sisilipin at palagiang mag-iinspeksyon ng mga establisyamento kung sinusunod ng mga ito ang batas ng Pilipinas at pakikitungo nito sa mga local customers nito.

Nagpaabot din si Ambassador Lee kay Sen. Tulfo ng mensahe na kung may mga problema pa laban sa ilang mga Korean establishments na nasa bansa, ay kaagad na ipagbigay alam sa kanya para agarang maaksyunan niya ito.

-- ADVERTISEMENT --