TUGUEGARAO CITY-Tumaas ang bilang ng mga suspected patient ng coronavirus disease (Covid-19) na minomonitor ngayon ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical chief ng CVMC, nasa 19 na ang suspected patient o mga taong nakitaan ng sintomas ng covid-19 na mula sa probinsiya ng Isabela at Cagayan ang kasalukuyang minomonitor ng kanilang ospital.

Ang nakikitang dahilan aniya ng pagtaas ng bilang nito ay ang pagiging kampante ng mamamayan at ang hindi na pagsunod sa mga alituntunin ng kinauukulan matapos makalabas sa pagamutan ang huling covid-19 positive sa probinsiya.

Kaugnay nito, muling nanawagan si Baggao sa mamamayan na manatili lamang sa tahanan dahil maaaring ang mga makakasalamuha sa labas ay asymptomatic sa sakit na posibleng sanhi ng pagkahawa o makahawa.

Sa kabila nito, sinabi ni Baggao na limang araw ng walang naitalang positive case sa virus ang CVMC.

-- ADVERTISEMENT --
Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao

Nilinaw naman ni Baggao na pansamantala lamang isinara ang covid-ward sa kanilang pagamutan matapos makalabas ang huling pasyente na nagpositibo sa covid-19.

Aniya, iba ang ward ng mga pasyenteng kabilang sa suspected at probable case.

Pahayag ito ni Baggao nang kwestyonin ng ilang residente ang kanilang larawan na nagpapakitang isinara ang covid-ward para sa mga positive patient.

Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao

Samantala, sinabi ni Baggao na isang nurse na dating nagpositibo sa virus at gumaling ang balik trabaho na sa kanilang ospital.