Tinatayang aabot sa 2.9 milyong mangingisda ang makikinabang sa programang “Benteng Bigas, Meron Na!” ng Department of Agriculture (DA), kung saan maaring makabili ng bigas sa halagang P20 kada kilo.
Ayon sa DA, maaaring bumili ang mga mangingisda ng hanggang 10 kilo ng bigas kada buwan, o isang besesang pagbili ng hanggang 50 kilo na tatagal ng limang buwan. May kalayaan din silang pumili kung ilan ang nais nilang bilhin sa bawat pagkakataon, depende sa kanilang budget.
Nakatakdang magsimula ang distribusyon ng murang bigas para sa sektor ng pangisdaan sa darating na Agosto 29. Inanunsyo ito bilang bahagi ng pagpapalawak ng coverage ng programa upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa abot-kayang bigas.
Una nang inilunsad ang programa sa Visayas noong Abril, at kasalukuyang ipinatutupad sa hindi bababa sa 162 na lokasyon sa buong bansa.
Layunin ng programa na matulungan ang mga sektor na higit na nangangailangan sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular na ang bigas.