TUGUEGARAO CITY-Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang dalawang taong gulang na bata matapos malunod sa naipong tubig-ulan sa nahukay na lupa sa likod ng kanilang tahanan sa bayan ng Sto niño, Cagayan.

Ayon kay Police Captain Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP-Sto niño ,hindi umano napansin ng ama na si Romeo Pacalagan ang anak na si Princess Sandra Pacalagan , 2-anyos ng Brgy Lubo na napunta sa likod ng kanilang bahay ang anak kung saan mayroong lupang hinukay.

Maaring umanong nahulog ang bata sa hinukay na lupa na mayroong naipong tubig-ulan na sanhi ng pagkalunod nito.

Huli na nang mapansing nawawala ang bata dahil nakalutang na ito sa nasabing hukay.

Nabatid na ang ama at lola lamang ng bata ang kanyang kasama sa bahay ng mangyari ang insidente dahil nagtatrabaho sa ibang bansa ang kanyang ina.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at kung may makikita umanong kapabayaan ang ama ay maari itong sampahan ng kaso.