Asahan ang malaki na naman na dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Ayon sa ilang opisyal ng industriya, asahan ang P14 hanggang P14.50 per liter na dagdag sa presyo ng diesel sa susunod na linggo bunsod ng pangamba sa patuloy na kaguluhan sa Middle East.

Tataas naman ng P7 hanggang P7.50 per liter ang gasolina.

Ang panibagong malaking dagdag sa presyo ng langis ay bunsod ng pangamba ng oil companies sa matinding paghihigpit sa supply dahil sa napinsala ang energy infrastructures sa Gitnang Silangan habang tumitindi ang US-Israel war sa Iran.

Samantala, asahan din na tataas ang singil sa kuryente, mas mataas mula sa karaniwan tuwing tag-init, bunsod ng malakihang pagtaas sa presyo ng langis.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Energy Regulatory Commission chairperson Francis Saturnino Juan, ang tumataas na halaga ng lana, coal at natural gas, na ginagamit para sa power plants sa bansa, ang magtutulak ng pagtaas sa electricity rates.

Batay sa komputasyon ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines, na namamahala sa Wholesale Electricity Spot Market, ang pagtaas sa singil sa kuryente ay mula P2 hanggang P4 per kilowatt-hour.

Sinabi ni Juan na posibleng maramdaman ang pagtaas sa singil sa kuryente sa buwan ng Abril.

Idinagdag pa niya na kailangan na magpatupad ng staggered rate increases ang distribution facilities kung malaki ang price hike.

Kasabay nito, nagpayo si Juan sa consumers na maglagay ng solar panels sa mga bubong upang makatipid sa konsumo sa kuryente.