Huli sa akto ang dalawang lalaki na nilulunod hanggang sa mamatay ang mga biniling alagang aso na nakatakda na sanang katayin upang ibenta sa probinsiya ng Bulacan.

Kinilala ang mga nahuling suspek na sina Danny Salazar at Adrian Pangilinan ng Bocaue, Bulacan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty Jaime Caguioa, program coordinator ng Animal Kingdom Foundation na huli sa akto ng Criminal Investigation and Detection Group ang dalawa na nilulunod sa sapa na bahagi ng Pandi, Bulacan ang apat na asong naka-sako.

Dalawa naman sa mga ito ang nailigtas ng mga otoridad.

Ayon kay Caguioa, dati nang naaresto ang dalawa noong nakaraang taon at bumabalik na naman sa kanilang ilegal na hanapbuhay na bumibili ng aso at ibinebenta ang karne nito sa halagang P100 hanggang P130 per kilo.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang dalawang suspek na hawak na ng mga otoridad.