Nakasuhan na ng patung-patong na kaso ang dalawang construction worker na nahuli sa tulong CCTV footage ng aktwal nilang pagsakay at pagtangay ng kambing gamit ang kotse sa bayan ng Gattaran, Cagayan.
Kinilala ang mga suspek na sina Alyas Jaycee, 27-anyos, residente ng Centro Sur, Gattaran at Alyas Dave 28-anyos, residente ng Paoay, Ilocos Norte.
Ayon kay PMAJ Gary Macadangdang, hepe ng PNP-Gattaran, bukod sa 4-counts of theft ay nahaharap pa ang dalawang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Itoy matapos makuha sa sasakyan ng dalawa na pagmamay-ari ni Alyas Dave ang apat na kambing na kanilang tinangay na tig-isa mula sa bayan ng Gonzaga, Lal-lo, Baggao at Gattaran, kabilang na ang limang bala ng M16 at 9MM na baril at isang sachet ng hinihinalang shabu.
Pag-amin pa ng dalawa na tatlo ang kanilang nakuha mula sa bayan ng Lal-lo subalit iniwan nila ang dalawa dahil sa hindi na ito kasya sa sasakyan.
Una rito, nakunan ng CCTV footage ng Barangay ang lumang blue sedan na sasakyan na ginamit sa pagtangay ng kambing sa Brgy Capissayan Sur at ipinost sa social media kung saan isang concerned citizen ang tumawag sa pulisya na nakakita ang naturang sasakyan sa isang restaurant na nagbebenta ng putahe ng kambing sa Brgy Fugu sa naturang bayan.
Nabatid na ibebenta na sana ng dalawang suspek ang apat na mga nakaw na kambing sa halagang P20K lamang.
Nakipaghabulan pa umano si Alyas Dave sa pulisya at tinangkang languyin ang Cagayan river subalit nahuli din siya ng pulisya habang kusa namang sumuko sa pulisya si alyas Jaycee kasama ng kanyang ina.
Sinabi ni Macadangdang na posibleng hindi ito ang unang pagkakataon na magnakaw ang dalawa ng mga alagang kambing na kanilang madadaanan sa pamamagitan ng pagputol sa tali nito at isakay sa kanilang sasakyan.
Dahil dito, hinihikayat niya ang mga posibleng pang biktima na magtungo lamang sa PNP-Gattaran para sa pagsasampa ng karagdagang kaso laban sa mga suspek.