TUGUEGARAO CITY-Isasailalim sa medical examination ang dalawang dalagita na unang napaulat na nawawala sa bayan ng Gattaran, Cagayan matapos makauwi na sa kanilang mga tahanan ngayong araw.

Ayon kay Jaymar Manuel, kapatid ng isa sa mga dalagita na si Josephine Manuel, ito’y para masiguro na hindi ginahasa ang dalawa matapos ang tatlong araw na pagkawala.

Hunyo 4,2021 nang hindi na umuwi sa kanilang mga pamilya ang dalawang dalagita na sina Josephine at April Mae Onate kapwa 15-anyos at residente sa Brgy. Pallagao Norte sa nasabing bayan matapos kunin ang kanilang module sa kanilang mga eskwelahan.

Sinabi ni Jaymar na tumawag ang dating kasintahan ng kanyang kapatid kaninang madaling araw at ipinagbigay alam na nagtungo ang dalawa sa kanilang bahay at humingi ng tulong para makauwi sa kanilang tahanan.

Nang makausap ang kapatid, sinabi umano nito na nagtago sila sa malaking box sa elementary school sa Brgy. Baracaoit sa hindi mabatid na dahilan ngunit kalaunan ay ipinagtapat din nito na namalagi sila sa bahay ng dating kasintahan ni April na si Jhon mark Balyones, residente naman ng Brgy. Baracaoit.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, hindi umano alam ng mga kapitbahay ni Jhon mark na may ibang tao sa kanilang bahay dahil hindi nila pinalabas ang dalawang dalagita sa loob ng tatlong gabi na pamamalagi doon.

Maari namang natakot ang pamilya ni Jhon Mark dahil puspusan na ang paghahanap sa dalawang dalagita kung kaya’t inilabas ang dalawa.

Sa ngayon, nasa mabuti ng kalagayan ang dalawa habang patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon para malaman ang tunay na pangyayari.