TUGUEGARAO CITY-Nagsasagawa na nang “search and rescue operation’ ang mga kinauukulan sa Itbayat, Batanes kasunod ng magkasunod na lindol na tumama sa lugar kung saan dalawang katao ang nawawala.

Ayon ka Michael Conag ng office of Civil Defense(OCD)-Region 2, maliban sa walong katao na namatay at 63 sugatan,dalawang katao pa umano ang kanilang pinaghahanap.

Aniya, sa ngayon ay hindi pa matukoy ng kanilang tanggapan ang pagkakakilanlan ng mga nawawala.

Kasunod nito, sinabi ni Conag na nasa 15 kabahayan ang unang naitalang nasira , anim na silid aralan din ang nasira sa Mayan Elementary School habang pito naman sa National Itbayat Agricultural High School.

Samantala, sinabi ni Conag na magbibigay ng tig-2 generator set ang Cagelco at ang probinsiya ng Isabela dahil hanggang sa ngayon ay wala pang supply ng kuryente ang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Conag na aalis naman ngayong araw ang dalawang units ng high-speed tactical watercraft with 3 outboard motor ng PNP Maritime Group sa Claveria patungong Batanes para tutulong sa transportation.

Aniya, malaking tulong ang mga ito dahil nagkakaroon ng problema sa air transport dahil sa pag-uulang nararanasan.

Bukod dito, nakahanda rin ang hanay ng kasundaluhan na magbigay ng tulong lalo na sa magpapadala ng mga kakailangang gamit sa mga apektadong residente.

Sinabi ni Major Ericson Bulusan ng Napolcom, makipag-ugnayan lamang sa kanilang himpilan para mabigyan ng assistant sa tulong ng kanilang mga kasundaluhan.