Patuloy pa rin ang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) sa 2 mangingisda na sakay ng isang bangkang de-motor na napaulat na nawawala sa isla ng Calayan, Cagayan.

Kasamang pumalaot ng mangingisdang sina Joel Pedronan, 26-anyos at Norman Gumarang, 30-anyos, kapwa residente sa Barangay Dilam ang siyam na bangka na tanging nakabalik matapos mangisda ang mga ito sa may bahagi ng Dipari island noong January 10, Biyernes.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ofelia Mariano, kamag-anak ng isa sa mga biktima na hindi naman umano maalon nang pumalaot ang mga ito ng madaling araw at posibleng napadpad ang dalawa sa may bahagi ng karagatan na may malakas ang alon lalo na sa Dipari Bassit.

Nanawagan naman si Mariano na kung sakaling napadpad ang mga biktima sa mga kalapit na lugar ay ipagbigay-alam sa mga otoridad.