Kinasuhan na ng robbery ang dalawang menor de edad na nagtangkang mangholdap gamit ang isang pellet gun sa grocery store ng isang gasolinahan sa Brgy Bulo, Tabuk City, Kalinga bandang alas 8:00 ng gabi noong Linggo.
Ayon kay PMS Janford Wassig, tagapagsalita ng Tabuk-PNP na nagpanggap na customer sa store na pagmamay-ari ni Karen Torres ang hindi na pinangalanang dalawang lalaki na edad 16 at 17-anyos at tinutukan ng laruang baril ang cashier bago nagdeklara ng holdap .
Kumuha naman ng apat na ream ng sigarilyo ang isa pang suspek ngunit nang matunugan na may paparating na customer ay tumakbo ang mga ito subalit nahuli rin kalaunan ng mga sibilyan.
Nang halungkatin ng pulisya ang bag ng dalawa ay dito narekober ang ginamit na pekeng baril at ang sigarilyo na tinangay sa grocery store.
Bukod dito ay narekober din ang isang cellphone, relo at cash na mahigit P5,000.
Hinikayat naman ni Wassig ang mga posibleng biktima ng dalawa na magtungo sa himpilan ng pulisya at kilalanin ang dalawang suspek na nakatakdang ilipat sa pangangalaga ng DSWD matapos isailalim sa inquest proceedings.