
Dalawang katao ang kumpirmadong nasawi habang dalawa ang patuloy na pinaghahanap matapos ang landslide, kahapon na dulot ng Bagyong Uwan sa lalawigan ng Kalinga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Eric Magwin at Aki Magwin, kapwa nasa wastong gulang habang ipagpapatuloy ngayong araw ang paghahanap kina Redento Tinio at Recardo Magwin.
Ligtas naman at nagtamo ng mga sugat sa katawan ang isa nilang kasamahan na si Dogan Lingayo na nakatakbo matapos ang pagguho ng lupa sa matarik at bulubunduking bahagi ng Sitio Latawan, Western Uma sa bayan ng Lubuagan.
Ayon kay PCapt. Ruff Manganip, tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office, habang naglalakad ang limang biktima para magsagawa ng inspeksyon sa napaulat na nasirang bahay dahil sa bagyo ay biglang gumuho ang lupa mula sa bundok na dahilan para matabunan ang apat.
Narekober ang katawan ng dalawang biktima makalipas ang ilang oras na paghahanap habang bigong mahanap ang dalawang iba pa dahil sa sama ng panahon.










