Maaaring muling tumaas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) kung matutuloy ang banta ni U.S. President Donald Trump na mas matinding pag-atake sa Iran kapag hindi ito pumayag sa isang kasunduan bago ang itinakdang deadline.

Ayon kay LPG Marketers Association president Arnel Ty, posibleng magkaroon ng problema sa presyo kapag hindi natuloy ang peace talks.

Sa ngayon, ang presyo ng LPG ay nasa humigit-kumulang ₱1,550 hanggang ₱1,650 kada 11-kilong tangke matapos ang sunod-sunod na pagtaas.

Bagama’t sapat ang supply ng LPG sa bansa na may imbentaryo na tatagal ng humigit-kumulang 35 araw nananatiling pabago-bago ang presyo dahil sa mga pandaigdigang pangyayari, lalo na sa Middle East na pangunahing pinanggagalingan ng langis at gas.

Layunin naman ng Department of Energy na palakihin ang buffer stock sa 60 araw, katuwang ang Philippine National Oil Company (PNOC) sa pagkuha ng karagdagang suplay.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Ty, may inaasahang darating na malaking shipment ng LPG mula sa Amerika, na aabot sa 44 milyong kilo, sa pagitan ng Mayo 15 hanggang Hunyo 15. Gayunpaman, maaaring mas mahal ito dahil sa mas mahabang biyahe ng barko.

Sa kabuuan, hindi suplay kundi presyo ang pangunahing alalahanin, lalo na kung lalala ang tensyon sa pagitan ng U.S. at Iran.