
Sasampahan ng kaso ang dalawang poll watchers sa isang presinto sa Abra matapos mahuling sila mismo ang naglagay ng shade sa mga balota ng mga botante, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, makikita sa isang viral video na patuloy ang paglagay ng shade ng dalawang watchers sa balota kahit na umano’y sinabihan na silang huminto.
Sinabi ni Garcia na walang kapangyarihan at hindi awtorisado ang mga watcher na maging assistor ng isang presinto.
Agad namang inalis sa kanilang puwesto ang nasabing mga watchers habang iniimbestigahan na ang insidente.
Nilinaw rin ng Comelec na tanging mga itinalagang assistor—alinsunod sa umiiral na patakaran—ang maaaring tumulong sa pagboto, lalo na sa mga may kapansanan o hindi marunong bumasa’t sumulat.