Aabot sa 20 katao ang naaresto ng kapulisan sa isinagawang anti-illegal gambling operations sa iba’t ibang bayan sa Cagayan.
Unang nadakip sa Brgy. Dugo, Camalaniugan ang limang katao, kabilang ang isang menor de edad, habang aktong nagsusugal gamit ang baraha.
Nasamsam mula sa kanila ang isang set ng baraha at pustang nagkakahalaga ng P604.
Sa Brgy. Magrafil, Gonzaga naman, dinakip ang isang 53-anyos na umano’y “bet collector” ng Small Town Lottery matapos maaktuhan sa ilegal na pagpapataya.
Nakumpiska mula sa suspek ang P435, mga resibo ng taya, ballpen, at belt stub.
Samantala, walong katao ang nahuli sa Brgy. Magalalag East, Enrile habang nagsusugal ng “tong-its,” kung saan nakumpiska ang tatlong set ng baraha at pustang umabot sa P2,027.
Anim pang suspek ang dinakip sa Brgy. Centro, Lal-lo dahil din sa parehong aktibidad, at nakumpiska sa kanila ang dalawang lamesa, baraha, at pustang nagkakahalaga ng P1,555.
Ang lahat ng suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang batas laban sa ilegal na pagsusugal.