Huli ang 20 katao, kabilang ang isang menor de edad sa magkakahiwalay na anti-illegal gambling operations sa mga bayan ng Lal-lo, Camalaniugan, Enrile, at Gonzaga kahapon.
Sa Brgy. Dugo, Camalaniugan, limang katao ang nahuli, kabilang ang isang menor de edad, sa aktong pagsusugal gamit ang baraha.
Nakumpiska ang isang set ng baraha at P604.00 bet money.
Ipinasakamay na sa Municipal Social Welfare Development ng nasabing bayan ang menor de edad.
Sa Brgy. Magalalag East, Enrile, walong katao ang nahuli sa pagsusugal ng “tong-its.”
Nasamsam ang tatlong set ng baraha at P2,027.00 bet money.
Nahuli naman ang anim na indibidual sa Brgy. Centro, Lal-lo matapos na maaktohang nagsusugal sa loob ng bahay gamit ang baraha.
Nakumpiska ang dalawang set ng baraha at kabuuang P1,555.00 bet money.
Samantala, isang lalaki na kinilalang si alyas Toto, 53-anyos na bet collector, ang naaresto sa Gonzaga matapos maaktuhang tumatanggap ng taya para sa ilegal na STL bookies.
Nakuha mula sa suspek ang P435.00 cash, marked money, resibo, belt stub, ballpen, at belt bag.