Nakauwi na sa Pilipinas nitong Miyerkoles ang 363 Pilipino na mula sa Gitnang Silangan, kasabay ng pagdating ng mga labi ng 20 overseas Filipino workers (OFWs), ayon sa ulat.

Sa social media post ng Department of Migrant Workers, makikita ang pagbasbas ng isang pari at pastor sa mga labi ng mga OFW bago ito tanggapin ng kanilang mga pamilya. Humiling ng privacy ang mga naulilang kaanak.

Nilinaw naman ng Overseas Workers Welfare Administration na pumanaw ang mga OFW dahil sa “natural causes” at hindi kaugnay ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Ayon sa ulat, 328 OFWs ang unang dumating sa Ninoy Aquino International Airport bandang 5:30 a.m. sakay ng isang Kuwait Airlines flight.

Sumunod naman ang isa pang flight na may lulan na 35 Pinoy repatriates, kabilang ang 21 OFWs at tatlong kaanak mula Dubai, at 11 OFWs mula Lebanon.

-- ADVERTISEMENT --