Nananatili sa taas ng 2023 NBA Draft si dating No. 1 overall pick Victor Wembanyama sa pagpasok ng 2024- 2025 Season.

Sa panibagong power ranking ng NBA para sa mga sophomore player o mga NBA player na nasa ikalawang season na, nananatili ang 7 footer na may pinakamagandang record at projection.

Sa nakalipas na season, nagawa ni Wemby na magpasok ng 21 points per game gamit ang 46% shooting habang umaagaw din ito ng 10.6 rebounds per game at 3.9 assists per game.

Hawak din niya ang impresibong 3.6 blocks per game at 1.2 steals per game, daan para ibulsa ang isa sa pinakamagandang all-around record performance sa kasaysayan ng NBA.

Bagaman 20 anyos pa lamang ang NBA sophomore, nagagawa na nitong makipag-sabayan sa mga beteranong manlalaro sa NBA.

-- ADVERTISEMENT --

Sa susunod na season, inaasahan ng mga analyst na lalo pang lalakas ang Spurs star habang lumalawak ang kanyang talento sa paglalaro sa liga, kasama ang regular na training ng San Antonio.

Inaasahan din ng mga analyst na makakabuo si Wemby ng mas magandang passing ability, bilang dagdag sa kanyang play style.

Samantala, sumusunod naman si Amen Thompson ng Houston Rockets sa kanya, habang ikatlo si Chet Holmgren ng Oklahoma City Thunder.