Opisyal nang binuksan ang 2024 Summer Sports Clinic ng lungsod ng Tuguegarao sa People’s Gymnasium sa pangunguna ni City Mayor Maila Rosario Ting-Que.

Nilahukan ito ng nasa isang libong kabataan na pinamamahalaan ng City Sports and Development Unit.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Que ang kahalagahan ng pagsasanay at hinikayat ang mga kalahok na huwag tumigil sa pag-eensayo upang maabot ang kanilang pinakamataas na potensyal.

Ibinahagi rin ng alkalde ang kanyang sariling karanasan sa larangan ng sports, kung saan naglaro siya ng volleyball, basketball, at naging kampeon sa track and field noong kanyang kabataan.

Binanggit din niya ang pakikipag-ugnayan ng kanyang tanggapan sa Philippine Sports Commission at kay Senador Bong Go para sa karagdagang suporta sa mga programa sa sports ng Lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama rin dito ang pagpasa ng Tuguegarao City Athletics Association Ordinance sa konseho, upang matulungan at higit pang mapaunlad ang mga talento sa sports ng mga kabataan sa Lungsod.

Pinasalamatan din ni Mayor Que ang Provincial Government of Cagayan at si Gobernador Manuel Mamba sa suporta, gayundin ang mga konsehal at ang JCI Tuguegarao na sumusuporta sa mga programa ng kanyang administrasyon.

Samantala, ang 20-araw na pagsasanay ay binubuo ng 17 iba’t ibang klase ng sports na gaganapin sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Ang Summer Sports Clinic Program ay sinimulan ni dating Congressman Randy Ting noong siya pa ay alkalde ng Lungsod.