Pormal nang binuksan ngayong araw ang pinakamalaking pagsasanay sa pagitan ng mga tropang militar ng Pilipinas at Amerika, ang BALIKATAN 2025.
Pinangunahan nila Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo at United States Ambassador to the Philippines, MaryKay Carlson ang opening ceremonies sa Kampo Aguinaldo.
Sinamahan sila ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. gayundin nila BALIKATAN Exercise Directors, Major General Francisco Lorenzo para sa Pilipinas at Lieutenant General James Glynn para sa Amerika.
Dito, hindi lamang pisikal na lakas ang ipakikita kung hindi ang mas matibay na kooperasyon at alyansa katuwang ang iba pang mga bansa sa rehiyon ng Indo-Pasipiko, at masasaksihan din dito ang “Full Battle Test.”
Una nang sinabi ni BALIKATAN Spokesperson, BGen. Michael Logico, tinatayang nasa 14,000 na mga sundalo mula sa Pilipinas, Amerika at Australia ang inisyal na lalahok sa pagsasanay.
Sasabayan pa ito ng mga observer naman mula Canada, Germany at United Kingdom.
Tampok sa pagsasanay ang Integrated Air and Missile Defense, Maritime Strike at Counter Landing Live Fire Exercises, na bahagi ng mas malawak na Combined Joint All-Domain Operations.
Kasado na rin ang Multilateral Maritime Event na unang beses lalahukan ng Japan Maritime Self-Defense Force.
Dito, gagamitin din ang Mid-Range Capability system ng Amerika gayundin ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) nito.
Kapwa binigyang diin nila Carlson at Manalo ang “IRONCLAD” na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Binigyang diin naman ni Brawner, na kailangan ang BALIKATAN upang maging handa ang Pilipinas sa mga hamon sa hinaharap.
Tatagal ang pagsasanay hanggang sa Mayo 9, 2025 na gagawin sa mga Lalawigan ng Batanes, Cagayan, Zambales at Palawan.