
Umabot na sa 22 ang mga kaso ng leptospirosis na ginagamot sa San Lazaro Hospital sa Maynila, tatlo rito ang nasa malubhang kondisyon, habang inaasahang madaragdagan pa ang mga kaso dahil sa patuloy na pagbaha dulot ng Habagat.
Ayon sa ospital, naghahanda na ito ng karagdagang ward upang matugunan ang posibleng pagdami ng mga pasyenteng may leptospirosis. Mula Enero hanggang Agosto 19, nasa 84 na ang kabuuang bilang ng mga kaso na na-admit sa ospital.
Karaniwang nakukuha ang leptospirosis sa paglusong sa baha na maaaring kontaminado ng ihi ng mga infected na hayop. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng katawan at hirap sa pag-ihi.
Ayon sa San Lazaro Hospital, posibleng umabot sa 100 ang mga kaso dahil sa madalas na malalakas na pag-ulan at pagbaha nitong mga nakaraang linggo.
Samantala, sinabi ng Department of Health na nasa 3,440 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa buong bansa hanggang Agosto 8, mas mababa ng 35% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Bagama’t may sapat na suplay ng doxycycline, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na kumonsulta muna sa doktor bago uminom ng gamot, lalo na ang mga buntis, nagpapasuso at may allergy sa doxycycline.










