
Iniimbestigahan ng Taguig City Police ang pagkamatay ng isang 24-anyos na law student matapos mahulog mula sa isang condominium sa Bonifacio Global City.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima bilang estudyante ng Ateneo de Manila University School of Law.
Ayon sa paunang imbestigasyon, natagpuan ang biktima ng security officer at maintenance personnel dakong alas-7:30 ng umaga noong Setyembre 18 matapos makarinig ng malakas na kalabog.
Nasa ika-16 na palapag umano ang tinitirhan ng biktima, habang natagpuan ang kanyang katawan sa ikaapat na palapag ng gusali.
Agad na isinara ng mga awtoridad ang lugar at nagsagawa ng crime scene processing ang mga imbestigador mula sa Taguig Police at Southern Police District Forensic Unit.
Isasailalim sa autopsy ang labi ng biktima para matukoy ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay, habang hinihintay pa ang opisyal na ulat ng SOCO.










