Inihayag ng Armed Forces of the Philippines na may natukoy silang 252 “ghost” flood control projects mula sa libu-libong isinailalim nila sa inspeksyon para makabuo ng kasong kriminal laban sa mga opisyal at mga negosyante na isinasangkot sa mga maanomalyang public works contracts.

Isinailalim ng militar sa inspeksyon ang 10,000 flood control projects na inaprobahan mula 2016 hanggang sa kasalukuyan, at 252 sa mga ito ay hindi makita.

Titignan pa ng militar ang 20,000 na iba pang kaparehong mga proyekto at isusumite ang kanilang matutuklasan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Hindi nagbigay ng detalye si AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa “ghost” projects, tulad ng halaga o lokasyon ng mga ito.

Ayon kay Padilla, katuwang ng 125,000 na militar ang mga miyembro ng Philippine National Police, kung saan isinasagawa nila ang consolidation reports sa mga hindi makita na mga proyekto para isumite sa ICI.

-- ADVERTISEMENT --