TUGUEGARAO CITY-Umaabot sa 27 na confirmed cases ng covid-19 ang kasalukuyan minomonitor sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, mula sa nasabing 14 ay mula sa Cagayan partikular sa lungsod ng Tuguegarao na may siyam na kaso kung saan dalawa rito ay mula sa Brgy. Caritan Centro at tig-isa sa brgy. Atulayan, Tanza, Ugac Sur, Ugac Norte, Cataggamman Nuevo, balzain East at San gabriel.

Karagdagang tatlong kaso ay mula sa Enrile at tig-isa sa Solana at La-lo habang 13 ay galing sa Isabela kung saan pito sa Ilagan City, lima sa Tumauini at isa sa Roxas.

Maliban dito, 22 suspected cases din ang kasalukuyang minomonitor sa naturang pagamutan, 16 dito ay mula sa Cagayan partikular sa Solana na may lima, tig-dalawa sa Tuguegarao, Enrile at Baggao habang tig-isa sa Alcala, Camalanuigan, Abulug, Amulung at Tuao habang apat ang galing sa Isabela at isa sa Apayao.

Paliwanag ni Dr.Baggao, nagtatagal ang ilang pasyente sa kanilang pagamutan kahit negatibo na sa virus dahil kailangan din nilang imonitor ang iba pang sakit ng isang pasyente lalo na ang mga may edad na o senior Citizen.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ni Baggao na sapat ang mga ginagamit na Personal Protective Equipment (PPEs) ng mga health workers sa kanilang pagamutan lalo na ang mga umaasikaso sa mga covid-19 patients para hindi mahawaan ng nakamamatay na sakit.

Sa katunayan aniya, bukas, araw ng Lunes ay may darating na anim na libong sets ng PPEs sa CVMC mula sa kalakhang maynila.

Sa ngayon, sinabi ni Baggao na kasalukuyan pa rin nilang minomonitor ang dalawang health workers na unang nagpositibo sa virus.

Ngunit, sinabi ni Dr. Baggao na maaring hindi nahawaan ang dalawang frontliners sa mismong pagamutan dahil hindi naman umano sa covid ward nagdu-duty ang dalawa.

Tinig ni Dr. Glenn Mathew Baggao

Samantala, nilinaw ni Baggao na nagsagawa lamang ang kanilang pagamutan ng dalawang araw na dis-infection sa molecular laboratory test o covid-19 testing center matapos magpositibo sa covid-19 ang dalawa nilang tauhan at hindi sila nagsara.

Sinabi ni Baggao na pansamatala nilang tinigil ang operasyon nitong araw ng Huwebes at Biyernes para bigyang daan ang dis-infection para matiyak ang kaligtasan ng iba pang mga empleyado.

Sa kabila ng kanilang pansamantalang pagsara, sinabi ni Baggao na tumanggap pa rin ang kanilang pagamutan ng mga specimen at ipinadala sa Baguio General Hospital.

Kahapon, araw ng Sabado ay balik operasyon na ang naturang laboratoryo habang naka-isolate na rin ang dalawang nagpositibo sa nakamamatay na sakit.

Tinig ni Dr. Glenn Mathew BAggao