Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpapatuloy ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program sa pagseserbisyo sa mahigit 3.9 milyong benepisyaryo ng tinanggal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Ayon sa ahensya, may nakalaang P63.8 bilyon ang AICS sa ilalim ng 2026 national budget, na sapat upang masaklaw ang mga dating benepisyaryo ng AKAP.

Sinabi ni Edwin Morata, direktor ng Crisis Intervention Program (CIP) ng DSWD, na awtomatikong isasama sa AICS ang mga dating tumatanggap ng tulong sa AKAP, lalo na ang mga may krisis na pinagdaraanan gaya ng pagkakasakit, pagpapa-ospital, at patuloy na pag-inom ng gamot.

Aniya, hindi mawawalan ng mapupuntahan ang mga benepisyaryo kahit inalis na ang AKAP dahil mananatiling bukas ang AICS, kabilang ang pagbibigay ng guarantee letters (GLs) para sa mga kwalipikadong kliyente.

Ang AKAP ay ipinatupad bilang dalawang taong programa simula 2024 at nakatulong sa 3.9 milyong Pilipino noong 2025, na may kabuuang P24 bilyong ayuda para sa medical, burial, transportasyon, pagkain, at iba pang pangangailangan.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni Morata na isinama ang AKAP sa AICS upang matiyak na ang tulong ay napupunta sa tamang tao at ginagamit sa tamang layunin, lalo na sa pamamagitan ng GLs na nagsisiguro na ang tulong ay nagagamit lamang sa aprubadong serbisyo.

Dagdag pa ng DSWD, mahigpit na ipinatutupad ang non-partisanship sa pamamahagi ng ayuda, alinsunod sa direktiba ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, upang matiyak na walang impluwensiyang pulitikal sa programa.